Home » Punto for Punto » SIN TAX

SIN TAX

 

Sa lahat ng panukalang-batas na isinusulong sa Kongreso, ang SIN TAX BILL ang inaakalang pinakamadugo kung maipapasa man. Ang tinatawag na SIN TAX ay ang pagbubuwis sa sigarilyo at alak. Matindi kasi ang pagkakasalungatan nito sa naturang kapulungan. Talagang ganyan yata kapag ang sangkot sa usapan ay tungkol sa bisyo. Dahil kaya sa ang mga Pinoy ay talagang maraming bisyo?

Ang nasabing bill na ipinanukala ni Cavite Rep. Joseph Emilio Abaya at iba pang mga congressman na pagtataas o pagdaragdag ng buwis sa produktong sigarilyo at alak ay matinding tinutulan ng mga congressman naman buhat sa Northern Luzon na kumakatawan sa mga distritong nagsasaka o nagtatanim ng tabako.

Kapag ang mga kongresista na nagsusulong ng sin tax bill na ito at ang mga kongresistang kumokontra ay hindi nagkasundo, malamang ay “matulog nang mahimbing” ang bill na ito o tuluyang “malibing sa limot”, ayon na rin kay Majority Leader Neptali Gonzales II. At siyempre pang ang magdiriwang ay ang mga magsasaka ng tabako at ang mga sugapa sa paninigarilyo at mga lasenggo. Kapwa may katwiran ang magkabilang panig sa bill na ito.

Sa mga nagsusulong nito sa pangunguna nga ni Abaya ay dapat na magsaalang-alang sa magiging epekto nito sa mga industriya ng tabako at alak, sa mga magsasaka ng tabako at gayundin sa mga manggagawa at pamilya sa mga pagawaan ng sigarilyo at alak. Sa kabilang banda, dapat namang isaalang-alang din ng mga kumukontra rito na kailangan naman ng gobyerno ang karagdagang revenue o kita para sa mga social services. Kaya kapwa sila may katwiran.

Kung itataas ang buwis sa sigarilyo ay seguradong tataas din ang presyo nito kaya posibleng mabawasan ang mga naninigarilyo. Kung matataas ang buwis sa alak ay tiyak na tataas din ang presyo nito at baka mabawasan din kahit papaano ang lasenggo. Pero may kontrang epekto rin nga sa mga industriya at sa mga manggagawa at magsasaka nito.

Ang anumang panukalang-batas ay laging may “pula at puti”. May sama at buti. Bahala nang tumimbang ang ating mabubuting mambabatas sa panukalang-batas na ito.

Incoming search terms:

comments
Translate »
    AfrikaansArabicBulgarianCebuanoChinese(Simplified)Chinese(Traditional)CroatianEnglishFilipinoHindiIndonesianItalianJapaneseKoreanLithuanianMalayPolishRomanianRussianSlovenianSomaliSpanishThaiTurkishUkranianVietnamese
    AfrikaansArabicBulgarianCebuanoChinese(Simplified)Chinese(Traditional)CroatianEnglishFilipinoHindiIndonesianItalianJapaneseKoreanLithuanianMalayPolishRomanianRussianSlovenianSomaliSpanishThaiTurkishUkranianVietnamese