Home » Balita » Oil price hike ngayong linggo

Oil price hike ngayong linggo

Ni Bella Gamotea

Dahil sa pagpapatuloy ng tensiyon sa Middle East, dapat nang asahan ng mga Pinoy ang dalawang panibagong bugso ng pagtataas sa presyo ng produktong petrolyo sa bansa ngayong linggo.

Posibleng tumaas ng P1 hanggang P1.75 ang presyo ng produktong petrolyo dahil sa paggalaw ng contract price ng langis sa pandaigdigang pamilihan; na tumaas ng $1 hanggang $2 ang kada bariles nitong Enero 9-12, 2012.

Gayunman, batay sa pagtataya ng mga kumpanya ng langis, maaaring bumaba ang presyuhan ng petrolyo sa pandaigdaigang pamilihan sa Pebrero hanggang Marso.

Enero 13 lamang nang mag patupad ang mga kumpanya ng langis ng dagdag sa presyo sa produktong petrolyo; P0.80 ang idinagdag sa kada litro ng unleaded at premium gasoline, P0.25 sa regular gasoline, P0.50 sa diesel, at 40 sentimos naman sa kerosene.

Kaugnay nito, naglaan ang gobyerno ng P200 million para sa Pantawid Pasada program, na makatutulong naman sa mga driver ng mga pampublikong jeepney at tricycle.

Sa ilalim ng naturang programa, ang Department of Energy (DoE) ang mangangasiwa sa pagre-reload ng P2,000 sa bawat Pantawid Pasada card, na magagamit ng mga driver sa pagpapagasolina.

Ngunit ipinagkibit-balikat lang ng ilang grupo ng transportasyon ang nasabing programa ng gobyerno, iginiit na karamihan sa kanilang natanggap na Pantawid Pasada card ay wala umanong pondo kaya hindi rin nila mapakinabangan.

Una nang nagbanta ang Pinag-Isang Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) na magsasagawa ng serye ng kilos protesta sa Metro Manila, bukod pa sa pambansang tigil-pasada, kapag nabigo ang gobyerno na tugunan ang problema ng sektor sa patuloy na pagtaas sa presyo ng petrolyo.

Patuloy na iginigiit ng PISTON sa pamahalaan ang pagbasura sa Oil Deregulation Law, value added tax (VAT) sa langis, at imbestigasyon sa umano’y overpricing sa petrolyo ng malalaking kumpanya ng langis sa pagsusuri sa libro ng mga ito.

Incoming search terms:

comments
Translate »


















Translate »