Home » Balita » Presyo ng langis, muling tataas

Presyo ng langis, muling tataas

Hindi pa man nakababangon ang mga motorista sa epekto ng katatapos lamang na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo nitong linggo, inaasahan na naman ang napipintong pagtaas ng halaga ng gasolina at diesel sa mga gasolinahan sa bansa.

Batay ito sa ginawang pagmonitor ng Department of Energy (DoE) kung saan ay tumaas ang contract price ng langis sa pandaigdigang pamilihan nitong Lunes hanggang Huwebes kaya posibleng muling tumaas ang presyo ng ibinibentang produktong petrolyo ng oil companies sa Pilipinas sa susunod na linggo.

Sinasabing tumaas ng P.175 ang presyo ng kada litro ng gasolina habang P1.30 naman ang diesel sa pandaigdigang pamilihan bunsod ng patuloy na kaguluhan naman sa Gitnang Silangan.

Partikular na nakaepekto sa paggalaw ng presyuhan ng langis sa pandaigdigang pamilihan ang patuloy na kaguluhan sa Iran, Bahrain at Syria.

Samantala, nakatakdang simulan ng DoE ang imbestigasyon kung may overpricing sa petrolyo sa bansa sa darating na Pebrero 1 habang isinasapinal pa ang pagbuo sa grupo na siyang susuri naman sa libro ng mga kumpanya ng langis. – Bella Gamotea

Incoming search terms: