Home » Probinsya » Lugar ng MacArthur Landing, kinuwestiyon

Lugar ng MacArthur Landing, kinuwestiyon

DAGUPAN CITY, Philippines – Ilang araw bago ang selebrasyon sa Lunes, Enero 9, 2012, ng ika-67 anibersaryo ng Lingayen Gulf Landing sa Pangasinan, ay lumitaw ang isang kontrobersiya.

Kinontra ng isang kilalang historian sa Pangasinan ang naging pahayag ni Gov. Conrado Estrella sa selebrasyon ng Lingayen Gulf Landing noong nakaraang taon na lumapag sa lalawigan si Gen. Douglas MacArthur noong Enero 9, 1945.

Kinontra ni Restituto Basa ang nasabing pahayag ni Estrella, sinabing mali ito: “Inaccurate statement because the landing of Mac Arthur is in Dagupan City.”

Ayon kay Basa, makikita ang historical marker sa Bonuan Gueset, ngunit sa katunayan, aniya, hindi pa nailalagay sa tamang lugar ang marker.

“They place the marker in the wrong site. Sa bahay ni Moises Maramba, kilalang Bataan veteran ng World War II. He has influenced the historical institute,” sabi pa ni Basa.

Sinabi ni Basa na ang eksaktong lugar kung saan lumapag ang grupo ni MacArthur ay ang Ayusip Road sa Bonuan, Dagupan City, na kinaroroonan ng headquarters, at hindi sa Lingayen.

Iginiit ni Basa na napakalinaw na ang eksaktong nilapagan ni MacArthur ay ang Dagupan, batay sa matibay na ebidensiya ng mga kuhang litrato na inilathala sa librong “History of World War II”, na nailimbag sa Armed Services Memorial edition.

Ang batalyon ay lumapag sa Bonuan, may 12 milyang saklaw ang mga barangay ng Libsong, Lingayen, hanggang sa Mabilao, San Fabian at sa gitna ng Agno River sa Bonuan.

“Kinanyon muna ang coastal town ng San Fabian, Binmaley, Lingayen, Dagupan bago ang paglapag ni Gen. Douglas MacArthur para ma-clear ang area,” sabi ni Basa. “Tumagal ng anim na araw ang pagkanyon sa lugar.”

Ayon kay Basa, isa sa mga dahilan kung bakit ipinagpipilitan ng pamahalaang panglalawigan na sa Lingayen lumapag si MacArthur ay dahil nakilala ang Lingayen bilang kabisera ng probinsiya.

Gayunman, ipinaliwanag ni Basa na hindi batid ng ilang opisyal ng lalawigan na Dagupan City ang kabisera ng Pangasinan noong 1942 hanggang 1945.

Samantala, binatikos din ni Basa ang mga opisyal ng Dagupan sa hindi paggamit sa MacArthur Landing site para isulong ang turismo sa Pangasinan.

Taun-taon ding ipinagdiriwang ng Dagupan City ang MacArthur Landing.

Ayon sa kasaysayan, makaraang lumapag si MacArthur sa baybayin ay sumakay ito sa jeep para magtungo sa Poblacion, ngunit hindi nito madaanan ang Quintos Bridge kaya bumalik. Kumuha si MacArthur ng amphibian vehicle, at naglakad sa plaza patungo sa kapitolyo, na kinatitirikan ngayon ng West Central School sa Dagupan City. – Liezle Basa Iñigo

Incoming search terms:

comments
Translate »


















Translate »