Home » Pananaw ni Manny V » PAG-ASA SA BAGONG TAON

PAG-ASA SA BAGONG TAON

 

Tatlong araw na lamang at matatapos ang taong ito. Panahon ito ng paglilimi ngunit hindi upang manimdim. Higit na mabuting pagtuunan ng pansin ang mga magagandang pangyayari sa ating bayan.

Halimbawa, kamakailan ay iniulat ng National Statistical Coordination Board (NSCB) na sa buwan ng Oktubre bumaba sa 6.4 porsyento ang walang trabaho sa Pilipinas. Ito diumano ang pinakamababang porsyento sa nakaraang apat na taon.

Ayon din sa nasabing ulat, umabot ng 1.2 milyon ang nalikhang bagong hanapbuhay mula Enero hanggang Oktubre 2011.

Magandang balita rin ang iniulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas tungkol sa $1.777 bilyong remittances na pumasok noong Oktubre, na mataas ng 6.2 porsyento kung ihahambing sa remittances noong Oktubre 2010.

Sa loob ng nakaraang 10 buwan, may kabuuang $16.5 bilyon na ang halagang ipinadala ng mga overseas Filipino workers o OFW, kaya inaasahang aabot sa $20 bilyon ang halaga ng remittances sa taong ito, mas mataas kaysa sa $18.76 bilyon na tinanggap natin noong 2010.

Noong Disyembre 15, nilagdaan ni Pangulong Aquino ang General Appropriations Act for 2012, na naglalaan ng P1.816 trilyong badyet para sa susunod na taon.

Ang nasabing batas ay naglalaan din ng P140 bilyon na gagastusin sa mga proyektong imprastraktura upang mapasigla ang ekonomiya.

Hindi gaanong maganda ang balitang baka hindi umabot sa 4 porsyento ang paglago ng ekonomiya sa taong ito. Ang maganda rito, isa sa mga dahilan ng mabagal na paglago ng ekonomiya ay sariling problema natin.

Ang tinutukoy ko ay ang mabagal na paggasta ng pamahalaan para sa imprastraktura at iba pang proyektong nakakapagpapasigla ng ekonomiya.

May mga suliranin pa ring kinakaharap ang ating bansa, gaya ng pagbaba ng exports, at ang krisis sa Europa at mahinang ekonomiya ng Estados Unidos.

Sa kabila nito, nananatiling malakas ang tinatawag na fundamentals natin, gaya ng patuloy ang daloy ng remittances, na nagpapalakas sa consumption at sumusuporta sa real estate boom. Sa kabuuan, ang mga bagay na ito ang nagpapalakas sa ating pag-asa. Ang kailangan na lamang ay maging katotohanan ang ating pag-asa para sa pag-unlad ng kabuhayan ng bansa at pamumuhay ng bawat pamilyang Pilipino.

Manigong Bagong Taon sa inyong lahat!

Incoming search terms:

comments
Translate »
    AfrikaansArabicBulgarianCebuanoChinese(Simplified)Chinese(Traditional)CroatianEnglishFilipinoHindiIndonesianItalianJapaneseKoreanLithuanianMalayPolishRomanianRussianSlovenianSomaliSpanishThaiTurkishUkranianVietnamese
    AfrikaansArabicBulgarianCebuanoChinese(Simplified)Chinese(Traditional)CroatianEnglishFilipinoHindiIndonesianItalianJapaneseKoreanLithuanianMalayPolishRomanianRussianSlovenianSomaliSpanishThaiTurkishUkranianVietnamese