Home » Sentido Komun » PALAKASAN

PALAKASAN

Tulad ng kabi-kabilang bangayan ng iba’t ibang departamento ng pamahalaan — ng ehekutibo, hudikatura at lehislatiba — nagkakaroon din ng iringan ang pamunuan ng mga organisasyong pampalakasan o sports groups. At iisa ang laging tinutumbok na dahilan: pulitika. Binigyang-diin ito sa isang deliberasyon sa Kamara hinggil sa mistulang pagbale-wala ng Philippine Sports Commission (PSC) sa Philippine boat team na humakot ng mga medalyang ginto sa isang paligsahan sa United States. Sa halip, ang kinilala ay isang boat team na hindi man lamang yata nakasusungkit ng kahit medalyang tingga sa mga kompetisyon.

Ang masaklap na katotohanang ito ay sapat na upang magising ang mga haligi ng palakasan o sports leaders na dapat manguna sa paglinang ng kakayahan ng mga manlalaro, lalo na ang mga lalahok sa mga Olympic competition. Nakalulungkot ang pagsulpot ng mga ulat na tuwing magaganap ang mga regional at international games, unang inaatupag ng mga lider ng sports ang pagbuo ng delegasyon na halos mas marami pa ang ‘sabit’ kaysa sa tunay na mga manlalaro. Resulta: halos nasa buntot tayo ng hanay ng mga bansang kalahok sa kompetisyon.

Sa nakalipas na Southeast Asian Games na matagal-tagal na rin namang naganap, halimbawa, naiwanan na tayo ng mga bansang higit na maliit kaysa sa Pilipinas. Ang Singapore na pinamamayanan lamang na limang milyong mamamayan ay nakaungos pa sa atin — sa ating bansa na may populasyong halos 100 milyong katao.

Ang lahat ng mga kabiguang ito ay ‘water under the bridge’ na lamang, wika nga. Ang dapat nating harapin ngayon ay isang pagsisikap na kahawig ng Gintong Alay, isang proyekto ng nakalipas na administrasyon. Bahagi nito ang pagtuklas ng mga manlalaro sa halos lahat ng sulok ng kapuluan. Tama lamang sapagkat hindi maililihim na maging ang kanayunan ay maituturing na ‘gold mine’ ng mahuhusay na atleta.

At kailangang tambalan ito ng walang panghihinayang na financial assistance na lubhang kailangan sa puspusang pagsasanay at edukasyon, allowances at iba pang makabuluhang pangangailangan ng mga manlalaro — pangangailangan na marapat tustusan hanggang sa araw ng kompetisyon.

Higit sa lahat, ang mga atleta ay ingatang maging biktima ng pulitika at ng kamandag ng palakasan.

Incoming search terms:

comments
  • kixxx

    cool



















Translate »