Home » Editoryal » SUPORTA PARA SA ORGANIC FARMING

SUPORTA PARA SA ORGANIC FARMING

 

Manila, Philippines – Ginagamit ang fertilizer o abono upang mapaigting ang produksiyon sa agrikultura. Gayunman, ang paggamit ng petroleum-based chemical fertilizer ay nagpataas ng gastusin sa produksiyon at nagpababa naman ng kita ng mga magsasaka. Isinusulong na ngayon ng gobyerno ang organic farming upang lumago ang kita sa sakahan pati na rin ang pangangalaga ng kapaligiran.

Kinikilala ng Republic Act 10068 na tinaguriang Organic Agriculture Act of 2010, ang agarang paglipat sa organic at ecological agriculture model upang maparami ang produksiyon ng palay at iba pa, mapalago ang kita ng mga magsasaka, itaguyod ang mas mainam na kalusugan para sa mga magsasaka at patabain ang lupa. Ipinanukala ng goyberno ang P972.2 milyon para sa 2012 budget ng Department of Agriculture upang mapaigting ang suporta para sa organic farming.

Sa isang pananaliksik na nagkukumpara sa tatlong scheme para sa produksiyon ng palay – ang rice intensification, pamamaraan ng mga magsasaka, at balansiyadong fertilization – ay nagpakita na kayang maipatupad ang ang tuluy-tuloy na organikong pamamaraan at pakikinabangan ito ng maliliit na magsasaka. Mas madali at mas pagkakakitaan ito kapag ang mga magsasaka mismo ang gagawa ng sarili nilang organikong fertilizer at botanical spray.

Ang mga pamahalaang lokal sa Pangaisnan tulad ng Alaminos City, Bani, Burgos, at Dasol, ay naglunsad ng Organikong Palayan-Pangasinan upang himukin ang mas maraming magsasaka na lumipat sa organic at ecological agricultural model. Sinanay ang maliliit na magsasaka na gumawa ng sarili nilang organikong pataba. Ang mga soil expert mula International Rice Research Institute ay nagrekomenda na ang paghahalo ng mga patapon na bagay mula sa sakahan tulad ng ipa, dumi ng hayop, at pinagtabasan ng gulay. Ang putik mula sa Pasig River at Laguna Lake ay maaari ring gamitin bilang bahagi ng paggawa ng vermicast. Hyacinth naman ang ginagamit ng mga magsasakang nakatira malapit sa lawa. Ang basura mula sa Smokey Mountain ay ginagawa ring organic fertilizer. Ang Bureau of Soils and Water Management ay gumagamit ng mahigit 4.6 milyong metriko toneladang ipa. Ang Southern Philippines Agribusiness and Marine School of Technology sa Davao del Sur ay gumagawa ng organic fertilizer mula sa damong-dagat sa murang halaga. Ang paggamit ng Masinag liquid organic fertilizer ay nanguna matapos magpakita ang isang pag-aaral na kaya nitong paramihin ang palay sa 35 porsiyento. Ang Bokashi, isang mumurahing organic fertilizer, ay gawa sa molasses (patapong bahagi ng tubó).

Habang gumagawa ng mga hakbang ang gobyerno upang itaguyod ang organic farming, ang magsasakang Pilipino ang makikinabang nang husto, dahil mangangahulugan ito ng mas malaking kita, mas maayos na kalusugan, at mas mainam na kapaligiran para sa kanila at kanilang pamilya.

Incoming search terms:

comments
Translate »
  • Afrikaans
  • Arabic
  • Bulgarian
  • Cebuano
  • Chinese(Simplified)
  • Chinese(Traditional)
  • Croatian
  • English
  • Filipino
  • Hindi
  • Indonesian
  • Italian
  • Japanese
  • Korean
  • Lithuanian
  • Malay
  • Polish
  • Romanian
  • Russian
  • Slovenian
  • Somali
  • Spanish
  • Thai
  • Turkish
  • Ukranian
  • Vietnamese