Home » Editoryal » PANGULONG CARLOS P. GARCIA GINUGUNITA SA KANYANG IKA-115 KAARAWAN

PANGULONG CARLOS P. GARCIA GINUGUNITA SA KANYANG IKA-115 KAARAWAN

 

Manila, Philippines – SI Carlos P. Garcia ay isinilang noong Nobyembre 4, 1896 sa Talibon, Bohol, na anak nina Ambrosia Polistico at Policronio Garcia. Naging alkalde siya ng Talibon sa loob ng apat na magkakasunod na termino. Nag-elementarya siya sa Talibon at nagtapos ng sekondarya sa Cebu Provincial High School. Pumasok siya sa kolehiyo ng Silliman University sa Dumaguete City, Negros Oriental, at tumuloy sa Philippine Law School sa Manila sa ilalim ng Malcolm Scholarship Program. Nagtapos siya bilang valedictorian noong 1923 at naging isa sa top ten sa Bar examination.

Matapas magturo nang dalawang taon sa Bohol Provincial School, nahalal siya bilang kongresista para sa Ikatlong Distrito ng Bohol noong 1925. Naglingkod siya sa pangalawang termino ngunit hanggang 1931 lamang dahil tumakbo siya sa pagkagobernador ng Bohol at nagwagi. Muli siyang nahalal at naglingkod bilang Gobernador hanggang 1940. Noong 1941, nalahal siya bilang Senador na kumatawan sa Eastern Visayan sa ilalim ng Nacionalista Consolido Party. Gayunman, hindi nakapaglingkod ang mga halal na opisyal dahil sa World War II. Umanib si Garcia sa kilusang guerilla.

Pagkatapos ng digmaan, sumali si Garcia sa pagbuo at pagbalangkas ng mga batas at polisya para sa United Nations. Nahalal siya bilang Senador noong 1945, at Pangalawang Pangulo kasabay ni Pangulong Ramon F. Magsaysay. Noong Marso 17, 1957, pumanaw si Pangulong Magsaysay nang bumulusok ang eroplanong nilulanan nito sa Mt. Manunggal sa Cebu at si Garcia ang tumayong Pangulo noong Marso 18, 1957. Matapos maglingkod sa panahong hindi tinapos ni Pangulong Magsaysay, tumakbo si Garcia sa Panguluhan noong Nobyembre 12, 1957 at nagwagi. Nakaangkla ang kanyang administrasyon sa talong pangunahing polisiya: Paghihigpit, Pilipino Muna, at Pagbuhay ng Kultura.

Natalo si Garcia ni Diosdado P. Macapagal sa halalang pampanguluhan noong 1961. Nagbalik siya sa buhay-pulitika nang magwagi siya sa 1971 Constitutional Convention bilang delegado sa Ikatlong Distrito ng Bohol. Noong Hunyo 11, 1971, nahalala siya bilang Pangulo ng Convention ngunit pumanaw bunga ng atake sa puso pagkaraan ng tatlong araw. Naulila niya ang kanyang maybahay na si Leonila Dimataga Garcia at ang kanilang nag-iisang anak na si Linda Garcia Campos. Bilang karagdagan sa kanyang pagiging lider sa pulitika, si Pangulong Carlos P. Garcia ay isang makata, orador, at maestro. Kilala siya bilang “Prinsipe ng mga Makatang Bisaya“ at “Makata ng Bohol.“

Habang ginugunita natin si Pangulong Carlos P. Garcia sa kanyang ika115 kaarawan, maging inspirasyon nawa natin ang kanyang halimbawa ng pagpapahalaga sa mga interes ng mamamayang Pilipino.

Incoming search terms:

comments
Translate »
    AfrikaansArabicBulgarianCebuanoChinese(Simplified)Chinese(Traditional)CroatianEnglishFilipinoHindiIndonesianItalianJapaneseKoreanLithuanianMalayPolishRomanianRussianSlovenianSomaliSpanishThaiTurkishUkranianVietnamese
    AfrikaansArabicBulgarianCebuanoChinese(Simplified)Chinese(Traditional)CroatianEnglishFilipinoHindiIndonesianItalianJapaneseKoreanLithuanianMalayPolishRomanianRussianSlovenianSomaliSpanishThaiTurkishUkranianVietnamese